VAT exemptions babawasan sa ilalim ng Duterte administration

congress1
Inquirer file photo

Aalisin na ng Duterte administration ang umiiral na exemption sa Value Added Tax o VAT sa ilang serbisyo at kalakal.

Ito ang kinumpirma ni Finance Secretary Carlos Dominguez, sa unang budget briefing ng House Appropriations Committee para sa 2017 proposed national budget.

Gayunman, hindi idinetalye ni Dominguez kung anu-ano ang mga exemption na nakapaloob sa panukala.

Sinabi ni Dominguez na ang pagtanggal sa VAT exemptions ay may layong mapalakas ang koleksyon ng buwis, kasabay ng isusulong na pagpapababa ng personal at corporate income tax.

Sa tantya ng kalihim, sa pagpapababa ng personal income tax ay mababawasan ng P129 Billion ang koleksyon sa buwis habang P34.8 Billion naman ang mababawas sa pagpapababa ng corporate income tax.

Pero kapag natuloy ang pagtanggal sa VAT exemptions, makakatulong ito para mabawasan ang impact sa revenue collection.

Binigyang-linaw din ni Dominguez sa harap ng mga Kongresista na walang bagong taxation scheme sa Duterte administration subalit magsusulong ng pagtaas ng halaga ng ilang mga sinisingil na buwis.

Read more...