12 testigo ihaharap sa hearing ng Senado sa extrajudicial killings

Inquirer Photo | Tarra Quismundo
Inquirer Photo | Tarra Quismundo

Mayroong labingdalawang testigo si Senator Leila De Lima, chairman of the committee on justice and human rights, na ihaharap sa pagdinig ng senado kaugnay sa Extrajudicial killings.

Sa kaniyang opening statement, sinabi ni De Lima na ang labingdalawang saksi ay para sa walong mga kaso ng pagpatay, kung saan, labingisa ang biktima.

Aminado si De Lima, na maliit ang nasabing bilang kumpara sa mahigit isang libong insidente na ng pagpatay sa operasyon ng mga pulis at iba pang hindi nakilalang salarin.

“Mayroon po tayong 12 saksi sa walong kaso ng pagpatay na may 11 biktima. Malinaw po na ang mga kasong ito ay maliit na bahagi lamang ng mahigit isang libong insidente ng pagpatay sa operasyon ng mga pulis o ng mga hindi kilalang salarin,” ayon kay De Lima.

Ayon kay De Lima, sa pamamagitan ng mga testigo, malalaman ang kwento sa likod ng mga insidente ng pagpatay.

Ang mga testigo aniya ay kusang lumapit at humingi ng tulong sa Commission on Human Rights (CHR) dahil kaanak nila ang nasawi.

Hirap aniya ang komite na makakuha ng testigo na boluntaryong haharap sa publiko.

Unang sumalang ang testigong si “Hannah” ang buntis na partner ni Jaybee Bertez na napatay kasama ang ama niyang si Renato Bertez sa Pasay City sa isinagawang operasyon ng Pasay Police noong Hulyo.

Iginiit naman ni De Lima na hindi niya layuning imbestigahan ang lahat ng kaso ng pagpatay dahil masyado itong marami, at sa halip ay nais lamang niyang mabigyang linaw ang mga tanong hinggil sa mga insidente ng pagkasawi ng mga hinihinalang sangkot sa ilegal na droga.

 

Read more...