Nagsumite si Interior Secretary Ismael Sueno sa Malacañang ng listahan ng 10 gobernador na may mga seryosong hakbang sa pagsupil ng problema ng iligal na droga sa kanilang mga nasasakupan.
Papangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga ito bilang pagbibigay karangalan sa kanilang pakikisama sa kampanya ng pamahalaan laban sa iligal na droga.
Kabilang sa listahan o “honor list” ay si Ilocos Norte Gov. Imee Marcos, na anak ng dating Pangulo Ferdinand Marcos.
Bukod kay Marcos, nasa listahan rin sina Governors Faustino Dy II ng Isabela, Junie Cua ng Quirino, Jose Alvarez ng Palawan, Eduardo Firmalo ng Romblon, Alfredo Marañon ng Negros Occidental, Edgardo Chatto ng Bohol, Hilario Davide III ng Cebu, Daisy Avance-Fuentes ng South Cotabato at Ma. Angelica Rosedell Amante-Matba ng Agusan del Norte.
Sina Dy, Alvarez, Marañon, Chatto at Davide ay mga naging taga-suporta noon ng nakalaban ni Duterte na si Liberal Party standard bearer Mar Roxas.
Hindi pa naman malinaw kung bakit napunta sina Marcos at Dy sa listahan, gayong una nang nagdesisyon ang Department of Interior and Local Government (DILG) na automatically disqualified ang mga nag-mula sa political dynasties.
Ayon sa DILG, kapag mula sa political dynasty ang pulitiko, malamang na mas marami itong nakokontrol sa kaniyang nasasakupan, kabilang na ang anumang impormasyong makasisira sa kanilang imahe.
Ayon pa kay Sueno, sumailalim sa three-stage screening process ang mga gobernador at hinusgahan sila sa base sa kanilang ugnayan sa business community at kanilang record sa pagpapanatili ng peace and order sa probinsya nilang nasasakupan.
Kinumpirma naman ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar na may isinumiteng “honor list” si Sueno sa Palasyo.
Paliwanag ni Andanar, kung hinihiya at kinokondena ang mga narcopoliticians, dapat rin namang kilalanin ang mga pulitikong umaaksyon talaga laban sa iligal na droga.