Kapatid ng batang Syrian na nag-viral ang larawan, pumanaw na

 

AP photo

Pumanaw na ang nakatatandang kapatid ng batang Syrian na nag-viral ang larawan dahil sa mistulang kawalan ng kamalayan sa kabila ng kalunus-lunos na sinapit nito matapos ang isang air strike sa Aleppo, Syria kamakailan.

Kinumpirma ng ilang lokal na opisyal na nasawi na rin ang biktimang si Ali Daqneesh, sampung taong gulang sanhi ng mga pinsalang tinamo dulot ng pambobomba habang ginagamot sa isang ospital.

Kasamang namatay sa insidente ang ama ng dalawang bata sanhi ng organ damage at pagkaubos ng dugo.

Ang dalawa ay ama at kapatid ng limang taong gulang na si Omran Daqneesh na nakunan ng larawan na sugatan, duguan at puno ng alikabok sa likod ng isang medical ambulance na tila wala pa sa sarili at wala pang kamuwang-muwang sa pinsalang kanyang tinamo sanhi ng pambobomba.

Dahil sa naturang larawan, muling nagising ang buong mundo sa matinding giyera-sibil na limang taon nang humahati sa Syria.

Dahil sa naturang giyera, libu-libo nang refugees ang napilitang lumikas kung saan marami na rin ang nasasawi.

Sangkot sa nasabing gyera ang grupo ng mga rebelde na suportado ng Amerika, Turkey at Gulf Arab nations na pilit pinatatalsik ang liderato ni Basher Al-Assad na suportado naman Russia at Iran.

Sa gitna ng matinding bakbakan, mga sibilyan ang naiipit at namamatay.

 

 

 

Read more...