Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ng whistleblower na si Sandra Cam na labas-masok sa bilibid si Dayan at batay sa ibinigay sa kaniyang impormasyon ng mismong mga nasa loob ng bilibid, P5 milyon kada linggo ang kinukubra ng driver ni De Lima.
Kung kanino o sinu-sino ang nahahati-hati sa nasabing pera, sinabi ni Cam na si Pangulong Rodrigo Duterte na ang magbubunyag nito, dahil alam na aniya ng pangulo ang buong detalye hinggil dito.
“Si lalaki, siya ay labas-masok ng Bucor, yang si Ronie Palisoc Dayan. Kumukuha siya ng pera sa mga drug lord sa loob. Ang drug money, cash iyan like jueteng money. May pinagbibigyan siya nung drug money na kinukubra niya. I don’t want to preempt the president, ibibigay ni presidente ang detalye tungkol dyan,” ayon kay Cam.
Dagdag pa ni Cam, ilan lamang sa piangkukunan ng drug money ni Dayan ay sina Jaybee Sebastian at Peter Co.
Ayon kay Cam, malakas si Sebastian kay De Lima, dahil mismong ang naturang commando gang leader ang nagsabi na ninang niya si De Lima.
Katunayan, noong inilipat sa NBI ang mga high-profile inmates, hindi kasama si Sebastian sa nailipat.
Ani Cam, hindi isang character assassination ang ginawa ni Pangulong Duterte. Natumbok lang aniya sa isyu ang pagkakaroon ng relasyon nina De Lima at Dayan dahil malinaw na nagamit ito sa mga anomaly sa bilibid at sa iba pang ahensyang sakop ng Department of Justice (DOJ).