Iniutos na ng pamahalaan ng Saudi Arabia na maiproseso ang work permit at iqama o exit visa ng mga stranded na Overseas Filipino Workers (OFWs) matapos mawalan ng trabaho.
Ayon kay Department of Labor and Employment (DOLE) Secretary Silvestre Bello III nakipagpulong na ang mga opisyal ng Ministry of Labor ng Saudi sa Ministry of Interior at Passports Office upang iproseso ang renewal ng work permit at iqama ng mga OFWs na manggagawa ng Saudi Oger Ltd sa Riyadh.
Ang nasabing kumpanya ay nagpatupad ng mass layoff at libo-libong OFWs ang naapektuhan.
Binigyan din umano ng pagkakataon ang mga apektadong manggagawa na magpasya kung nais nilang lumipat ng ibang employer o umuwi na lamang sa Pilipinas.
Ang pahayag ay ginawa ng kalihim matapos itong personal na magtungo sa Saudi Arabia upang asikasuhin ang mga Pinoy na stranded doon.
Ang nasabing kumpanya ay nalugi dahil sa patuloy na pagbagsak ng presyo ng produktong petrolyo.
\