Buong CIDG Bulacan, iniimbestigahan sa insidente ng kidnapping

 

Iniimbestigahan ang buong hanay ng Criminal Investigation and Detection Group sa Bulacan matapos umanong ireklamo ng pangingidnap sa isang negosyante.

Ayon kay CIDG Dir. Chief Supt. Roel Obusan, nakatanggap siya ng reklamo kaugnay sa umanoy operasyon na ginawa raw ng isang unit ng PNP CIDG na Special Business Concerns Unit laban sa isang negosyanteng nagngangalang Danny Coral noong Lunes.

Agad nanghinala si Obusan sa operasyong sinasabi dahil wala naman umanong Special Business Concerns Unit ang CIDG.

Dahil dito, kaagad na syang nagpaimbestiga sa insidente lalo’t nalaman nyang humihingi na raw ng ransom ang mga umanoy pulis.

Humingi na rin umano si Obusan ng tulong sa PNP-AKG o Anti Kidnapping Group para matukoy ang mga pulis na nasasangkot.

Sa ngayon, ‘batch by batch’ na pinapatawag ang mga pulis na nakatalaga sa CIDG Bulacan para isailalim sa imbestigasyon.

Ngayong araw ay nagreport na ang 4 na mga taga-CIDG Bulacan kay Obusan habang isusunod pa sa pagtatanong ang iba pa.

Ani Obusan, sakali namang mapatunayang sangkot ang ilan sa CIDG Bulacan sa kidnapping mahaharap ang mga ito sa kasong administratibo at kasong criminal.

Read more...