Bubuksan na sa mga motorista sa Biyernes, July 24 ang MCX o Muntinlupa-Cavite Expressway project o mas kilala bilang Daang Hari-South Luzon Expressway Link Road na ginastusan ng P2 bilyon ng Pamahalaan.
Ayon kay Department of Public Works and Highways (DPWH) Sec. Rogelio Singson, ang apat na kilometero at apat na linyang kalsada ang magkokonekta sa SLEX link Road sa Bacoor, Cavite.
Magsisilbi umanong alternatibong ruta ang MCX para sa mga motorista mula Metro Manila hanggang Cavite at pabalik na magpapaigsi naman ng 45 minuto sa regular na biyahe.
Sinabi ni Singson na inaasahang ang MCX ay magpapaluwag sa masikip na daloy ng trapiko sa Cavite, Las Pinas at Muntinlupa.
Magsisilbi rin itong access sa NBP o National Bilibid Prisons sa Muntinlupa na pinaplanong muling isaayos at idevelop bilang isang commercial, residential at institutional estate.
Ang nasabing proyekto ay nai-award ng Gobyerno sa Ayala Corp unit na AC Infrastructure Holdings Corp. sa ilalim ng public-private partnership (PPP) program ng administrasyong Aquino./ Ruel Perez