Hiniling ngayon ni Senator Jinggoy Estrada sa Sandiganbayan 5th Division na payagan siyang makalabas ng detention cell sa Camp Crame upang mabisita ang kaniyang biyenan na nasa ospital.
Batay sa tatlong pahinang urgent motion na isinumite ng mga abogado ni Estrada, hiniling ng senador na mabigyan siya ng furlough mula alas 2:00 hanggang alas 3:00 ng hapon ngayong araw o ‘di kaya ay bukas.
Nais ni Estrada na mabisita ang biyenan na si Estelita Vitug na ngayon ay naka-confine sa St. Luke’s Hospital sa Quezon City.
Isinaad ni Estrada sa kaniyang mosyon na si Vitug ay inatake noong Linggo na sinundan ng stroke kahapon kaya ito ay nasa intensive care unit ngayon ng St. Luke’s.
Nakasaad sa mosyon na nais ni Estrada na makita ang kanyang biyenan at suportahan ang kanyang misis na si Precy ngayong nasa kritikal na kondisyon si Gng. Vitug./ Erwin Aguilon