Emosyunal na humarap sa media, Huwebes ng umaga si Senator Leila De Lima matapos siyang tawaging immoral kahapon ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa umano ay pakikipagrelasyon sa kaniyang driver.
Ayon sa senadora, marami ang nag-payo sa kaniya na manahimik na lamang at huwag nang patulan ang pahayag ng pangulo para hindi na lumala at humaba pa ang isyu.
Pero meron din aniyang mga nagsabi sa kaniyang lumaban siya at ipagtanggol ang sarili.
Ani De Lima, aminado siyang hindi niya kayang labanan ang pangulo ng bansa na siyang nag-aakusa sa kaniya lalo pa at ito ay mayroong immunity from suit.
Hindi po ako lalaban, hindi ko kayang labanan ang pangulo, unang-una hindi ko alam kung ano ang kasalanan ko sa kaniya. How does one defend oneself, when the attacker is immune from suit?”, ayon kay De Lima.
Gayunman, sinabi ni De Lima, naisip niyang wala nang mas lalala pa sa ginawa sa kaniya ng pangulo. Sinira umano ang kaniyang dangal at nilapastangan ang kaniyang pagkababae.
Tinawag din ni De Lima na pag-abuso at at maling paggamit ng executive power ang ginagawa ng pangulo.
Ani De Lima, inisip din naman niyang huwag na lang ituloy ang plano niyang imbestigasyon sa mga extra judicial killings para lamang sa ikatatahimik ng kaniyang buhay.
Gayunman, kung hindi umano niya itutuloy ang imbestigasyon ay mistulang tinalikuran na niya ang kaniyang paninindigan at prinsipyo.
“Mas nanaisin ko nang kayo o ang inyong gobyerno magbaon sa akin, kesa ako magbaon sa aking sarili,” dagdag pa ni De Lima.
Umapela si De Lima kay Duterte na pakinggan muna ang kaniyang panig bago ituloy ang pagwasak sa kaniyang pagkatao.
Hiniling din nito sa presidente na itigil na ang pananakot at panghihiya.
“Pangulo po kayo, senador lamang po ako, patas na laban lang ang aking hinihingi. Tama na po ang pananakot at panghihiya, bumalik na tayo sa kaayusan na dulot ng pag-iral ng batas at respeto sa kapwa tao. I am not the enemy here, stop portraying me as one,” pahayag ni De Lima.
Matapos ang kaniyang emosyunal na pahayag, dumeretso si De Lima sa pagdinig ng Senate committee on public order and dangerous drugs begins kung saan isa sa mga resource person si PNP Chief director general Ronald Dela Rosa.