Nakatakas na rin mula sa mga bumihag sa kaniya ang isa pang Indonesian at natagpuan siya ng mga sundalo sa Brgy. Bual sa bayan ng Luuk, Sulu.
Ayon sa tagapagsalita ng Armed Forces of the Philippines (AFP) Western Mindanao Command na si Maj. Filemon Tan, natagpuan ng Joint Task Force Sulu ang lalaking nagpakilala lamang sa pangalang “Ismail.”
Sinabi ni Ismail na isa siya sa mga bihag ng Abu Sayyaf Group (ASG), at na isa siyang chief officer sa tug boat na may pangalang “Charles.”
Isinailalim na sa kustodiya ng mga sundalo ang Indonesian, na kalaunan ay dadalhin rin sa Jolo para naman matingnan ng mga doktor.
Pagkatapos ng medical check-up, tsaka dadalhin si Ismail sa mga tamang otoridad.
Natagpuan si Ismail ilang oras matapos rin makita ang isa pang mandaragat na Indonesian na si Mohammad Sayfan sa parehong lugar rin sa Sulu.
Ayon kay Sayfan, binantaan na siya ng mga Abu Sayyaf na pupugutan na siya ng ulo, ngunit nakatakas siya.
Base sa ulat ng pulisya, si Sayfan ay isa sa mga pahinante ng isang tugboat na dinukot ng ASG noong June 23.