Walang mabibiling isda sa mga palengke bukas, araw ng Huwebes. Ito ang target ng Navotas Fish Trader Association sa isasagawa nilang “fish holiday” bukas.
Ayon kay Dr. Mario Pascual, Presidente ng Navotas Market 3, 4 and 5 Association, walang papalaot na mga mangingista bukas at wala ring mabibiling isda sa mga palengke bilang pagpapakita nila ng protesta sa bagong polisiya na magpapatupad ng mas matataas na halaga ng multa sa mga lalabag na mangingisda at fish traders.
Aabot aniya sa 40% hanggang 50% ng suplay ng isda ang maaapektuhan sa gagawin nilang fish holiday bukas, na maari pang masundan sa mga susunod na araw.
Inirereklamo din ng grupo ni Pascual ang pagbabawal na gumamit ng lambat sa panginginsda sa Manila Bay simula sa buwan ng Setyembre. “Si Dir. Asis Perez po mismo ang nagsabi sa mga mangingisda na starting September, hindi na pwedeng manghuli ng isda sa Manila Bay gamit ang lambat kaya ang mga involved sa Manila bay hindi talaga sila lalaot,” sinabi ni Pascual sa panayam ng Radyo Inquirer.
Ayon kay Pascual na malaki ang epekto ng nasabing polisiya na ipatutupad sa ilalim ng RA 10654 o Fisheries Code sa mga mangingisda. Inihalimbawa ni San Pascual ang Navotas fish port na kada araw ay nasa 50,000 kilos ng mga isdang ibinabagsak ay mula sa Manila Bay.
Ayon pa kay Pascual, mahigit isang libong mga mangingisda mula sa mga coastal communities ng Batangas, Bataan, Pasay at iba pa ang nangingisda sa Manila Bay.
Sinabi ni Pascual na sinabihan na sila ni Director Asis Perez ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources (BFAR) na tanging pamimingwit lamang ang papayagan sa Manila Bay, bawal nang gumamit ng lambat at limitado lang sa tig-3 kilo bawat mangingisda ang papayagan na mahuli. “You are only allowed to catch three kilos of fish per day. The fishermen were told that the 1.5 kilos of that were so they could buy rice, and the other 1.5 kilos for their viand. But what about their fare? Water? Electricity?,” katwiran ni Pascual.
Pero ayon kay Pascual, hindi makatao ang nasabing polisiya dahil libu-libong mga mamamayan ang umaasa sa pangingisda para maghunan ng mapagkakakitaan. Maliban sa mga mangingisda, maaapektuhan din aniya ang mga market vendors at mga kargador sa palengke.
Bilang bahagi ng ipatutupad na fish holiday, sinabi ni Pascual na isang libong mangingisda at fish traders ang kasamang magsasagawa ng kilos protesta sa Mendiola bukas, pero dahil sasama ang kani-kanilang mga pamilya, inaasahang aabot sa 10,000 ang magpo-protesta.
Sa hiwalay na panayam, sinabi ni Director Perez na hindi totoong magpapatupad sila ng fishing ban sa Manila Bay. Ayon pa kay Perez hindi iya alam kung ano ang pinagmumulan ng protesta ng mga mangingisda at fish traders na magsasagawa ng fish holiday bukas./ Erwin Aguilon