Nakubkob ng mga elemento ng Joint Task Force Basilan sa pangunguna ng 4th Special Forces “Dolphin Warriors” Battalion ang sinasabing pinakahuling burol na pinagkukutaan ng Abu Sayyaf Group (ASG) sa Basilan sa isinasagawang focused military operations.
Bandang alas 12:00 ng tanghali kahapon (Lunes) nang tuluyang nakubkob ng Dolphin Warriors ang dati ay tinaguriang “Unmarked Hill” na ngayon ay tinatawag nang Hill 355 sa Barangay Silangkum, Tipo-Tipo, Basilan Province.
Natagpuan doon ang sampung (10) enemy bunkers, apat (4) na tunnels, mga foxholes, at dalawang (2) Improvised Explosive Devices o IED.
Mula nang umpisahan ng Joint Task Force Basilan ang focused military operations noong Hulyo 25 sa pangunguna ng commanding officer nito na si Colonel Tomas Donato na siya ring commander ng 104th Brigade sa Basilan ay nagtuloy-tuloy na ang mga military units na nakapailalim dito sa pagrekober ng mga burol na pinagkukutaan ng ASG.
Nauna rito, nakubkob ng Dolphin Warriors ang Hill 497, Hill 332 at Hill 440 o Kawilan Hill na ilan sa mga burol na bumubuo ng Baguindan Complex.
Nakuha rin ng 18th Infantry Battalion ang Hill 510 at ng 3rd Scout Ranger Battalion ang Hill 490.
Kabilang sa mga operating units ng Joint Task Force Basilan ang mga tropa, eroplano at helicopters ng Philippine Air Force na walang puknat na nagsagawa ng air strikes sa Baguindan Complex, ang 2nd Special Forces Battalion, mga estudyante ng Special Forces Combat Qualification Course (SFCQC), tropa ng Light Armor Cavalry at Field Artillery Battalion at iba pang operating troops ng Philippine Army, at mga tropa mula sa Philippine Navy at Philippine Navy-Marines.
Kontrolado na rin ng mga tropa ng military ang Baguindan Complex na pinamumugaran ng mga ASG.
Dahil ang ASG ay tinataguriang mga insurgents, inaasahang babalik ito sa kanilang mga lungga kung hindi ipagpapatuloy ng militar ang pag-kontrol sa mga nakubkob na lugar.