Sinagot ng kaniyang mga abogadong sina Romulo Macalintal at Ma. Bernadette Sardillo ang mga isyung ginamit ni Marcos at iginiit na hindi “proper grounds” ang mga ito para maging isang election protest.
Hiniling kasi ni Marcos sa PET sa kaniyang protesta na muling buksan ang mga ballot boxes sa bawat 36,465 clustered precincts sa iba’t ibang mga lugar.
Nais rin niyang mawalan ng bisa ang resulta ng halalan sa Lanao del Sur, Basilan at Maguindandao dahil iginigiit ni Marcos na pre-shaded ang mga balota doon, at dapat rin aniyang ulitin ang bilang sa 22 probinsya at limang lungsod.
Iginiit pa ni Marcos sa kaniyang petisyon ang palpak na Automated Election System (AES) at idiniin na walang patunay ang Smartmatic na matagumpay na nagamit ang mga vote counting machines sa mga naunang halalan, dito man sa Pilipinas o sa ibang bansa.
Pero ayon kina Macalintal at Sardillo, ang unang bahagi ng reklamo ni Marcos ay laban sa COMELEC kaugnay sa pag-renta ng vote counting machines at pawang alegasyon sa Smartmatic.
Wala anilang hurisdiksyon ang PET para pag-desisyunan ang bagay na ito.
Kaugnay naman ani Sardillo ng ikalawang bahagi ng protesta, pawang mga akusasyon at haka-haka lamang ang mga sinasabi nitong tradisyunal na pandaraya tulad ng vote buying o pre-shading.
Hindi rin tinanggap ni Robredo ang mga sinasabi ng kampo ni Marcos tungkol sa umano’y pagbabago sa transparency server at ang pagkakaroon ng queue server.
Paliwanag pa ng kampo ni Robredo, wala namang nai-prisintang ebidensya si Marcos na magpapatunay ng direct o indirect participation ni Robredo sa mga inaakusa niyang pandaraya.