Laban kontra iligal na droga, ‘pro-people’ ayon sa Palasyo

 

Inquirer file photo

Sinagot na ng Palasyo ang mga banat sa kanila ng Communist Party of the Philippines (CPP) kaugnay sa pag-atras ng kanilang suporta sa laban ng gobyerno kontra iligal na droga.

Sa inilabas na pahayag ng CPP kaugnay ng isyung ito, inilarawan nila bilang “antipeople at antidemocratic” ang gyera ng administrasyon para supilin ang kalakalan ng iligal na droga sa bansa.

Ngunit iginiit ni Presidential Communications Sec. Martin Andanar, ang hakbang ng administrasyong Duterte ay “pro-people at pro-nation.”

Ayon pa kay Andanar, kung susumahin ang dami ng mga drug pushers at drug lords at ikukumpara sa dami ng mga drug dependents at mga pamilyang apektado ng kanilang bisyo, masasabing maka-mamamayan ang kampanya ng pamahalaan.

Layon aniya ng administrasyon na sagipin ang bayan mula sa mga nakikinabang sa paggawa at pagbebenta ng mga iligal na drogang lumalaganap sa bansa.

Ito rin aniya ay para sa “common good” ng buong bansa, upang tayo ay magkaroon ng lipunan na malaya sa impluwensya ng iligal na droga.

Wala aniyang sinumang nasa matinong isipan ang makapagsasabi na anti-people at anti-democracy ang hakbang na ito ng pamahalaan.

Gayunman, sa kabila ng panibago na namang sagutan sa pagitan ng rebeldeng grupo at ng pamahalaan, kumpyansa si Andanar na magpapatuloy pa rin ang peace talks sa Oslo, Norway sa August 20.

Nirerespeto rin naman aniya ng pamahalaan ang opinyon ng komunistang grupo kaugnay sa isyung ito.

Read more...