Hindi pinayagang makabiyahe ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) ang 23 Pinay na aalis sana patungong Japan.
Ang nasabing mga kababaihan ay sasakay sana ng China Airlines pero hinarang at hindi pinaalis ng bansa matapos matuklasang peke ang CFO o Commission on Filipino Overseas Sticker na nasa kanilang mga pasaporte.
Nadiskubre ang pekeng CFO sticker ng mga biktima nang inspeksyunin ang kanilang passport ng mga immigration officer sa NAIA.
Hindi na pinangalanan ang 23 pinay para sa kanilang proteksyon dahil itinuturing silang biktima ng sindikato ng human trafficking.
Sa inisyal na imbestigasyon, inamin ng isa sa kanila na nagbayad siya ng P25,000 sa hindi pinangalanang fixer para makakuha ng pekeng dokumento.
Dinala na sa Inter-Agency Council Against Human Trafficking ang mga biktima para maimbestigahan at matukoy kung sino ang nasa likod ng panloloko sa kanila.
Ang CFO Sticker at certificate ay requirement sa isang Pinay o Pinoy spouse visa holder./Ruel Perez