Ang korte lang ang nakikita ni Vice President Jejomar Binay na makapagbibigay sa kanya ng tunay na hustisya.
Sinabi ito ng abogado ni Binay na si Atty. Claro Certeza matapos maghain ng P200M damage suit sa mga nag-aakusa ng katiwalian sa bise presidente.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Certeza na pagkakataon ito para mabigyan ng honest to goodness na investigation hindi lamang para kay Binay kundi maging sa mga taong nag-aakusa sa kanya.
“Sa civil case na ito naniniwala kaming mapapasinungalingan namin ang mga akusasyon laban kay VP Binay. Naniniwala kami na governed by the rules of evidence and procedure ay si VP Binay at iba pa ay mabibigyang pagkakataon na mailahad ang kanilang panig,” sinabi pa ni Certeza.
Kabilang sa kinasuhan sina Senator Antonio Trillanes, Alan Peter Cayetano, Ombudsman Conchita Carpio Morales, Atty. Renato Bondal, dating Makati Vice Mayor Ernesto Mercado, ang Philippine Daily Inquirer at ilang mga opisyal ng Anti Money Laundering Council.
Ayaw na ring patulan ni Atty. Certeza ang pahayag ni Trillanes na nasa panic mode at nananakot lang si VP Binay kaya sila kinasuhan.
“Hindi po totoo (na nagpapanic si VP Binay), ang taong nagpa-panic ay hindi na haharap pa sa husgado para patunayang mali ang mga alegasyon,” dagdag pa ni Certeza.
Dagdag pa ni Certeza na hindi naman nila sinusupil o nilalabanan ang karapatan ng media nang isama sa kinasuhan ang Inquirer dahil ang nais lamang daw nila ay fair na laban sa Vice President.
Kinumpirma pa ni Certeza na ang civil case na ito ay simula pa lamang ng pagsasampa nila ng kaso para malinis ang pangalan ng pamilya Binay./ Jimmy Tamayo