Nagpaplano ang Pilipinas na maglagak ng mga station fighter jets sa dating US Naval Base sa Subic na nakaharap sa South China Sea bilang pangunahing depensa kontra China.
Ayon kay Arsenio Andolong, Public Affairs Chief ng Department of National Defense o DND, nasa humigit kumulang 200 kilometro ang layo sa shoal na kinokontrol ngayon ng China ang Subic Bay na dating base military ng Amerika sa Asia Pacific Region.
Aniya, gagamitin ng Armed Forces of the Philippines o AFP ang bahaging ito ng Subic para sa paglalagay ng FA-50 jets at ilang paparating na vessels.
Dagdag pa ni Andolong, mainam na lugar ang Subic para sa mga gamit na pangdepensa,at akma na mailagay ang mga FA-50 jets sa runway ports na may tamang lalim ng tubig.
Ang mga pahayag na ito ay kumpirmasyon na ang Subic Bay Freeport ay muling magagamit bilang isang base military, bagaman, ilang bahagi lamang nito ayon na rin sa paglilinaw ng DND.
Inaasahang darating ang unang batch ng isang dosenang FA-50 jets ngayong taon, at darating naman ang natitirang sampu sa mga susunod na dalawang taon./Stanley Gajete, Gina Salcedo