Nangyari sa Semirara, maaaring mangyari sa Mindoro

KALASMINA file photo
KALASMINA file photo

Nangangamba ang mga residente ng Oriental Mindoro at Occidental Mindoro na maaring mangyari din sa kanila ang trahedyang naganap sa Semirara Island, Antique kausnod ng pag-apruba ni Pangulong Benigno Aquino III sa multi-billion nickel project doon.

Ayon kay Ian Delos Santos ng Kaisahan ng mga Mindoreno Laban sa Dayuhan at Dambuhalang Pagmimina o KALASMINA, sa loob ng mahigit isang dekada ilang mga dayuhang kumpanya ang nanliligaw sa mga Mindoreño para mapahintulutang magsagawa ng pagmimina sa kabila ng umiiral na dalawampu’t-limang taong moratorium.

Sinabi ni Delos Santos na noong Abril 7, 2015 ay tinanggal ng Office of the President at Department of Environment and Natural Resources (DENR) ang suspensyon na ipinataw sa Environmental Compliance Certificate ng kumpanyang Intex Resources.

Dahil dito, maaari ng makapagmina ang Intex ng nickel at cobalt sa labingisang ektaryang lupain sa mga bayan ng Victoria, Oriental Mindoro at Sablayan, Occidental Mindoro.

Nangangamba ang grupo na mapinsala sa mangyayaring pagmimina ang mga watershed sa dalawang lalawigan at masisira ang kabuhayan ng labingdalawang Mangyan communities.

Dahil dito sinabi ni Delos Santos na maaring magkaroon ng mga flashflood at landslide na ikapipinsala ng buhay at ari-arian kapag tuluyang nasira ang kalikasan sa lalawigan tulad ng nangyari sa Antique./ Erwin Aguilon

Read more...