Labingsiyam na kolorum na UV express na hinuli ng mga otoridad dahil sa pamamasada ng walang prangkisa ang dinala sa impounding area ng Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB) sa Tarlac City.
Karamihan sa mga nahuling kolorum na UV express ay pag-aari umano ng mga pulis na ang iba ay aktibo pa sa serbisyo.
P200,000 ang multa sa mga impounded na colorum UV express dahil sa pamamasada nila ng walang prangkisa. Maliban pa ang mga kaukulang charges na ipapataw sa may-ari ng sasakyan habang naka-impound ang sasakyan.
Isang ginang naman ang napasugod sa LTFRB para magreklamo. Aniya nakakuha na siya ng prangkisa noong Biyernes pero hinuli pa rin ang kanyang sasakyan.
Paliwanag naman ni Joel Boleno, pinuno ng technical division ng LTFRB, nahuli ang sasakyan ng complainant bago pa man siya makakuha ng provisional permit.
Hangga’t hindi nababayaran ng mga may-ari ng sasakyan ang multa na P200,000 ay mananatili sa impounding area sa Tarlac ang kanilang sasakyan.