Motion for bail ng mga consultant ng NDFP, dedesisyunan na ng korte

Inquirer Photo | Kristine Mangunay
Inquirer Photo | Kristine Mangunay

Submitted for resolution na ang inihaing urgent motion for release on bail para sa tatlong consultant ng National Democratic Front- Communist Party of the Philippines.

Sa pagdinig ni Judge Thelma Bunyi-Medina ng Regional Trial Court Branch 32 Manila sa hiling ng mag-asawang Wilma at Benito Tiamzon at Adel Silva, hindi na tumutol ang prosekusyon sa hirit ng tatlo.

Ayon sa kinatawan ng DOJ, dapat lamang mapasailalim sa ilang kundisyon ang pagbibigay ng pansamantalang kalayaan sa mga ito.

Una, para lamang sa pagdalo ng tatlo sa peace talks ang dahilan kung bakit ang mga ito ay papayagan ng korte.

Ikalawa, papayagan lamang sila hanggang sa matapos ang usapang pangkapayapaan.

Ikatlo ay kailangang magbayad ng P100,000 na piyansa ang tatlo at kakanselahin din ang bond kapag natapos ang peace talks.

Ikaapat, kailanganhg isumite ng tatlo sa korte ang lahat ng contact numbers at panglima, dapat magreport ang mga ito sa Philippine Embassy sa Oslo, Norway kung kinakailangan.

Sinabi naman ni Commissioner Rene Sarmiento, kinatawan ng Government Peace Panel, mahalaga ang papel ng tatlo sa isasagawang usapang pangkapayapaan sa Oslo at sa mga nakalipas na panahon ay pinapagbigyan naman ng hukuman ang ganitong mga hiling.

Umapela rin si Sarmiento sa husgado na maipalabas kaagad ang pasya dahil nalalapit na ang araw para sa pagsasagawa peace talks.

Ang tatlo ay kabilang sa mga miyembro ng peace panel ng NDF na kailangang makadalo sa gaganaping usapang pangkapayapaan sa Oslo, Norway August 20 ng kasalukuyang taon.

May kinakaharap na kasong multiple murder sa Manila RTC ang tatlo kaugnay sa natagpuang mass grave sa lalawigan ng Leyte noong 2006.

 

 

Read more...