Sa nasabing hiling, inihirit ni Binay sa Third Division ng anti-graft court na payagan siyang bumiyahe sa August 14 hanggang 26 dahil nangangailangan ng “urgent medical consultation” ang kaniyang anim na taong gulang na anak na babae.
Pero sa pasya ng Sandiganbyan, pinayagan si Binay na umalis sa bansa ng August 15 at kailangan itong makabalik ng hindi lalagpas sa August 24.
Inatasan din ng korte si Binay na maghain ng P608,000 na travel bond para matiyak na susunod siya sa mga terms and conditions sa kaniyang pagbiyahe.
Ayon kay Binay, inirekomenda ng pediatrician ng bata na magpatingin ito sa allergologist at immunologist na si Dr. Ricardo Tan sa California para sa 2nd opinion.
Ito ay kaugnay sa medical condition ng bata na “staphylococcal scalded skin syndrome” na isa umanong “uncommon disease.”
Si Binay ay nahaharap sa kasong graft, malversation at falsification of public documents sa Sandiganbayan kaugnay sa umano ay overpriced na konstruksyon ng Makati City Hall Building II at kasalukuyang may umiiral na Hold Departure Order laban sa kaniya.