Humarap sa pagdinig ng Senate Committe on Local Government sa isyu ng Bangsamoro Basic Law ang mga kinatawan mula sa Sultanate of Sulu at mga Indigenous People upang ipahayag ang pagtutol dito.
Ayon kay Seante Committe on Local Government Chairman Senator Bongbong Marcos, ang nasabing mga grupo ay hindi umano nakonsulta ng Office on the Presidential Adviser on the Peace Process (OPAPP) nang balangkasin ang BBL.
Kabilang sa mga dumalo sa senate hearing ang mga kinatawan ng sultanado na sina Princess Jacel Kiram, Sultan Ermail Kiram II, Datu Raja Muda Phugdal Kiram at iba pa.
Habang humaharap sa hearing ang mga kinatawan ng Sultanate of Sulu, nagsagawa naman ng protesta sa harapan ng Senado ang mga grupong pabor at kontra sa BBL.
Ayon sa grupong “Umahat”, dapat nang ipasa ng dalawang kapulungan ng Kongreso ang BBL sa paniniwalang ito ang magdadala ng kapayapaan sa Mindanao Region.
Pero ayon Kay San Sibar Hadjunali, Chairman ng “Anak Sul Alliance for Progress” na nakabase sa Sulu, Tawi-Tawi at Basilan, hindi nila susuportahan ang BBL hanggat hindi nakokonsulta ang kanilang hanay.
Iginiit pa ni Hadjunali na hindi rin papayag ang kanikang hanay na ipasa ang BBL hangga’t hindi nababago ang ilang probisyon na ayon sa kanila ay labag sa Saligang Batas. / Chona Yu