Hindi naniniwala ang mga senador na seryoso ang Pangulong Rodrigo Duterte sa kanyang bantang magdedeklara ng martial law kung may makikialam sa kanyang kampanya kontra iligal na droga.
Ayon kay Sen. Richard Gordon, dati na niyang sinabi ang naturang pahayag at sa kanyang tingin ay hindi naman seryoso ang Pangulo ukol dito.
Ganito rin ang pananaw nina Sen. Panfilo Lacson, Sonny Angara at Tito Sotto.
Ayon kay Lacson, dapat sa ngayon ay sanay na ang publiko sa pagiging ‘bullheaded’ o brusko sa istilo ng pananalita ng pangulo kaya’t hindi dapat lahat ng sinasabi nito ay siniseryoso.
Gayunman, naniniwala naman si Sen. Leila de Lima na nakakabahala ang mga pahayag ng pangulo.
Ang mga ganitong uri aniya ng mga pahayag ang kanyang tinutukoy nang kanyang sabihin na mistulang tinatahak na ng administrasyon ang pagiging ‘totalitarian’ sa pamamahala ng bansa.
Sa Kongreso, sinabi ni Cong. Harry Roque na mistulang nag-iimbita ng ‘impeachment’ ang mga pahayag ng pangulo na maaring magresulta ng isa na namang ‘people power.’
Giit naman ni Rep. Edcel Lagman, sa oras na manggaling ang isang pahayag sa ‘incumbent President’ ay dapat itong binibigyang bigat at sineseryoso.