Oplan Tokhang ‘welcome’ sa Ayala-Alabang

 

Mula sa inquirer.net

Hindi tulad ng ibang mga subdivision na nakalaan para sa mga mayayaman, pabor ang Ayala-Alabang village sa Muntinlupa City na magsagawa ng ‘Oplan Tokhang’ sa kanilang lugar.

Ayon kay Sr. Supt. Nicolas Salvador, hepe ng Muntinlupa police, pumayag ang mga opisyal ng Ayala-Alabang na maglunsad ng random inspection at pagbisita sa loob ng subdivision upang matiyak na walang iligal na aktibidad sa loob.

Kinumpirma naman ni Antonio Lazo, security coordinator ng lugar na inaayos  na  ang mga kinakailangang proseso kung paano isasagawa ang hakbang na idadaan muna sa Ayala Alabang Village Association.

Gayunman, aminado si Lazo na malaki ang magiging pagkakaiba ng gagawing ‘Oplan Tokhang’ sa kanilang lugar kung ikukumpara sa mga nagaganap ngayon sa mga mahihirap na lugar sa Metro Manila dahil na rin sa mga high profile na residente ng kanilang barangay.

Matatandaang noong 2008, naaresto ang tinaguriang mga ‘Alabang Boys’ na sina Joseph Tecson, Richard Brodett at Jorge Joseph dahil sa pagbebenta ng cocaine, marijuana at ecstasy ngunit pinalaya rin noong 2011.

2012 naman nang madiskubre ang isang drug laboratory sa loob ng Ayala-Alabang kung saan limang Chinese ang nadakip.

Nitong nakalipas na Mayo, tatlong Taiwanese naman ang naaresto sa loob ng village na nag-ooperate ng isa na namang shabu laboratory.

Read more...