Simula hatinggabi kanina, sarado na ang 286 mga e-Games na nasa ilalim ng PhilWeb Corporation na pag-aari ng negosyanteng si Roberto Ongpin.
Ito’y matapos na tuluyang hindi na i-renew ng Philippine Amusement and Gaming Corporation (PAGCOR) ang license-to-operate ng lahat ng mga online games ng PhilWeb.
Ang PhilWeb ang nagsisilbing online casino software provider ng lahat ng mga e-games na nag-ooperate sa bansa.
Matatandaang pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang may-ari ng e-games na si Roberto Ongpin bilang isa sa mga ‘oligarch’ na namamayagpag sa bansa na dapat na supilin.
Dahil sa pagsisiwalat ni Duterte, napilitan si Ongpin na magbitiw sa kanyang puwesto bilang Chairman ng PhilWeb.
Nagbitiw na rin ang anak nitong si Anna Betina Ongpin bilang vice-chairman ng naturang gaming technology company.
Tinatayang nasa 5,000 empleyado ng mga e-games ang nangangambang mawalan ng trabaho dahil sa tigil-operasyon ng mga online casino.
Matapos pangalanan ng Pangulo, bumulusok ang shares ng PhilWeb sa stockmarket ng halos 37 porsiyento.