Pinayuhan ni Sen. Tito Sotto na unahing alisin ang mga traffic obstructions sa mga lansangan tulad ng mga nakaparadang sasakyan bago pag-aralan ang pagbubukas ng mga gated subdivisions bilang alternatibong lunas sa mabigat na daloy ng trapiko.
Sa pagdinig ng Senado kanina hingil sa hinihinging emergency power ng pangulo, sinabi ni Sotto na dapat magpatupad ng mahigpit na kampanya ang pamahalaan laban sa mga nakaparadang sasakyan sa mga lansangan.
Sinabi pa ng Senador na posibleng umabot kaagad sa 50-percent reduction sa traffic problem sa buong Metro Manila basta’s magagawang bukas sa daloy ng trapiko ang mga city roads sa lahat ng pagkakataon.
Inihalimbawa pa ni Sotto ang sitwasyon sa Singapore kung saan ay mahigpit na ipinagbabawal na gawing parking area ang gilid ng mga kalsada.
Malugod namang tinanggap ng mga opisyal ng Department of Transportation ang mungkahi ni Sotto pero kailangan umano ang emergency power para mas maging epektibo ang pagpapatupad nito.
Nauna nang sinabi ni Transporation Sec. Arthur Tugade na nakatakda silang makipag-pulong sa ilang mga homeowners ng ilang mga subdivision ditto sa Metro Manila para kumbinsihin ang mga ito na maglaan ng bahagi ng kanilang lugar para sa publiko.