Nakalimutan ko na sana ang tungkol dito, dangan nga lamang at may natisod akong bagong impormasyon.
Kinumpirma sa akin kamakailan lamang ng isang source na hinarang sa Bureau of Customs ang tatlong container na naglalaman ng mga t-shirt mula sa China. Tanong. Ano naman ang masama, mali, o ilegal di kaya sa mga t-shirt na ito mula sa China? Wala naman. Walang masama, walang mali, walang ilegal.
Ang naka-imprenta sa t-shirt ang hindi masama, mali, sa pananaw ng kung sino man ang nagpaharang para ito ay maipamahagi.
At ano ang naka-imprenta sa t-shirts? Tanan….drumroll please…”Erap-Poe”. That’s right, three container vans with t-shirts imprinted with the message of “Erap-Poe” were held with the intention of preventing distribution of said shirts. Ang Erap na pinatutungkulan ay si dating pangulo at ngayon ay Manila Mayor Joseph Estrada at ang Poe na binabanggit at walang iba kundi si Senadora Grace Poe.
Sabi ng kausap ko, “Kung bakit kasi sa China pa nagpagawa, ang dami namang imprenta rito. Mas mura nga dun pero, tignan mo nangyari, hinarang”. Hindi naman ang pagpapagawa sa China ang problema kundi ang mensahe ng mismong t-shirt.
Ang totoo, nadinig ko na ang Erap-Poe na ito na huling baraha ika nga ng oposisyon mula mismo sa isang malapit kay Erap. Hindi kay Erap mismo. Puwede kong tawagan, puwede kong tanungin ang dating pangulo, pero tama na ang pahayag sa akin ng isa sa tao niyang alam kong noon pa man ay kasama na niya. Yung impormasyon na naharang ang mga t-shirt na may tatak na Erap-Poe ay kumpirmasyon na lamang ng unang nadinig ko tungkol dito. Sabi pa ng ikalawang nakausap ko, “Si President-Mayor kasi, marami ang kumakausap sa kanya na tumakbong pangulo”.
Ang tanong ay ideya lamang ba ito ng ilang mga taong malapit kay Erap? Ideya ba itong alam din ng kampo ni Poe? Malakas naman ba ang tambalang ito kung sakali? May dating ba ito kung sakali? May mga sektor o grupo na seryosong nagsusulong ng Erap-Poe. But I doubt that this will materialize. Kasado na ang tambalang Poe at Chiz Escudero. Ano ang puwedeng mangyari para mabaling ang kambiyo sa isinusulong na tandem na ito ng ilang grupo?
Ang totoo, ang naglalabasang mga tandem o tambalan para sa halalan sa susunod na taon ay nagpapataunay lamang na napakaluwag ng arena para sa labanan sa panguluhan at ikalawang pangulo.
Marami ang tiyak na tatakbo sa panguluhan. Mas marami pa sa tingin ko kesa sa tumakbo noong 1992 Elections at noong 2010 Elections.
Kung ito ang mangyayari, sa dulo, ang uupo sa palasyo, isang minority president.
Balik sa sinasabing Plan B na ang totoo, original Plan A, uubra ba ito sa puntong ito na umuusad ang negosasyon sa pagitan nina Poe, Chiz, Secretary Mar Roxas at Pangulong Benigno Aquino III? Sabagay, malayo pa ang official election period. Marami pa ang puwedeng mangyari./(wakas)