Bayan ng Calasiao, nasa state of calamity

Brgy Lasip Calasiao Inquirer Northern Luzon
Brgy Lasip Calasiao/Inquirer Northern Luzon

Idineklara ang State of calamity sa buong Calasiao, Pangasinan dahil sa patuloy na pagbabaha sa mga barangay mula pa noong Linggo bunsod ng pag-ulang hatid ng habagat.

Ayon kay Vice Mayor Roy Macanlalay, patuloy na lumalaki ang tubig sa Marusay river na siyang sanhi ng pagbaha sa 17 sa 24 nilang mga barangay. Kabilang sa mga barangay na pinakamatinding napinsala ay ang Lumbang at Dinalaoan. “We are the province’s catch basin here. With the water level rising, we continue to be alert,” ayon kay Macanlalay.

Naunang inilagay sa state of calamity ang kanlurang bahagi ng Calasiao noon pang Biyernes.

Humigit-kumulang sa 10, 699 na pamilya ang naapektuhan kasama na ang 54 na pamilyang inilikas sa evacuation center.

Idinagdag pa ng Provincial Disaster Risk Reduction Management Office o PDRRMO sa listahan ang bayan ng Bayambang, Aguilar at Mabini dahil sa walang humpay na pag-ulan, dahilan upang tumindi ang pagbaha.

Samantala, ang labingisang mangingisda na napaulat na nawawala sa Pangasinan ay nailigtas na sa bahagi ng West Philippine Sea ng US Navy Ship.

Nakilala ang mga nailigtas na mangingisda na sina Fernando Rebuta, 52; Eddie Buenbinida, 52; Charlie Dumas, 47; Daniel Canaway, 31; Andy Lebios, 32; Wilson Etac, 62; Armando Polo, 51; Jerry Oleverio, 53; Elorde Encarguez, 20; Virgel Encarguez, 18; at Ariel Balaguit, 27 na pawang residente ng Infanta, Pangasinan.

Umalis ang mga mangingisda sa kanilang bayan noong July 15 na kasagsagan naman ng pag-ulan sa Northern Luzon dahil sa habagat.

Alas 2:00 ng hapon noong July 18 nang makatawag ang isa sa mga mangingisda sa kanilang kaanak at sinabing winasak ng malalaking alon ang kanilang sinasakyang bangka sa bahagi ng Bolinao./ Stanley Gajete, Dona Dominguez-Cargullo

Read more...