Muling nakipagpulong si Pangulong Benigno Aquino III kay Senator Grace Poe, kahapon, araw ng Lunes.
Tumagal ang nasabing pagpupulong ng limang oras. Pero sa pagkakataong ito, tanging si Poe lamang ang ipinatawag ng pangulo at hindi kasama sa pulong sina Senator Chiz Escudero at Department of Interior and Local Government (DILG) Secretary Mar Roxas.
Ayon kay Poe, ramdam niya na nasa mabigat na sitwasyon ngayon si Pangulong Aquino dahil sa mga bagay na dapat nitong isaalang-alang sa pagbibitaw ng desisyon. “I could sense the very difficult position PNoy is in right now. I understand and sympathize with his predicament and situation. I consider him a true and sincere friend and he has my utmost respect,” sinabi ni Poe.
Wala pa ring binanggit si Poe kung may napagkasunduan na sila ni PNoy kaugnay sa posisyong kaniyang tatakbuhan sa 2016 elections, o kung pumayag na ba siyang maging running-mate ni Roxas.
Sinabi ni Poe na sa kanilang pag-uusap ng pangulo, muli lamang binanggit ng Punong Ehekutibo na ang nais nitong maipagpatuloy ang mga gawaing makabubuti sa bansa.
“He reiterated his desire for all of us to continue working together and that he believes that, like him, we can and will do what is best for our country. In the end, we both agreed to continue, in whatever capacity, striving and working for our countrymen and for the betterment of our children’s future,” dagdag pa ni Poe
Ito na ang ikatlong pulong ni Poe kay PNoy. Sa unang pulong, dalawa silang dumalo ni Escudero. At sa ikalawang pulong naman na ipinatawag ni PNoy na tumagal ng mahigit anim na oras, magkakasama sina Poe, Escudero, Roxas at si Budget Secretary Butch Abad./ Stanley Gajete