Desidido na talaga si Pangulong Rodrigo Duterte na payagan ang paghihimlay kay dating Pangulong Ferdinand Marcos sa Libingan ng mga Bayani.
Ayon kay Presidential Spokesperson Ernesto Abella, bagaman kinikilala ng Palasyo ang mga protesta at komento laban sa hakbang na ito, naniniwala ang pangulo na panahon na para mag-“move on.”
Ani pa Abella, ang desisyong ito ng pangulo ay bilang pagnanais niya na ilibing na rin ang isyung ito upang makausad na ang lahat.
Giit ni Abella, kwalipikado si Marcos para mailibing sa Libingan ng mga Bayani alinsunod sa mga panuntunan.
Hindi rin aniya dapat hayaang sapawan ng mga paglabag sa karapatang pantao noong panahon ni Marcos ang kaniyang naging serbisyo sa bansa bilang isang dating pangulo at war veteran.