Draft EO sa pagbuo ng Constitutional Commission, isususmite na sa Malacañang

 

Nakatakdang isumite ngayong Linggo ni House Speaker Pantaleon Alvarez sa Malakanyang ang draft ng executive order para sa pagbuo ng Constitutional Commission o Con-Comm, bago ang Charter Change o Cha-Cha.

Kinumpirma ni Alvarez na tinawagan siya ni Executive Secretary Salvador Medialdea at hinihingi na raw nito ang draft ng EO.

Matatandaang si Alvarez ang nagmungkahi kay Pangulong Rodrigo Duterte na magtatag ng Con-Comm o Council of Wisemen, na bubuuin ng dalawampung eksperto sa Saligang Batas.

Ayon sa House Speaker, noong nakalipas na linggo pa niya sinimulan ang pagbalangkas sa draft EO subalit medyo mahaba aniya ito kaya hindi pa niya matapos.

Sinabi ni Alvarez na suportado ni Senate President Koko Pimentel ang Con-Comm dahil importante aniya ang lahat ng uri ng tulong o paraan para mapabilis ang Cha-Cha.

Ang Con-Comm ay inaasahang makapagsasagwa ng constitutional research habang abala ang Kongreso sa paghimay at pagtalakay sa 2017 National budget.

 

Read more...