Sinibak ng First Division ng Commission on Elections (COMELEC) sa serbisyo ang alkalde sa lalawigan ng Pampanga na nadawit rin sa listahan ni Pangulong Duterte ng mga sangkot sa iligal na droga.
Kinansela ng COMELEC’s First Division ang certificate of candidacy ni Mabalacat Mayor Marino Morales sa kaniyang reelection noong May 9 elections.
Bago kasi ang naging halalan noong Mayo, nakatatlong magkakasunod na termino na si Morales.
Alinsunod kasi sa batas, ang isang lokal na opisyal ay limitado lang na manilbihan sa loob ng tatlong termino, na may tatlong taon kada isang termino.
Maari lang siyang tumakbo muli sa parehong posisyon pagkatapos mamahinga ng tatlong taon.
Nag-ugat ang kasong ito laban kay Morales mula sa reklamong diskwalipikasyon ng kaniyang kalaban na mayoral candidate, na si Pyra Lucas.
Noong August 3 na-promulgate ang nasabing ruling, pero pagdating ng August 8 ay naghain ng motion for reconsideration si Morales na kumukwestyon sa desisyon.
Si Morales ay isa sa mahigit 150 na personalidad na laman ng “narco-list” ni Pangulong Duterte, ngunit itinanggi niya ito sa pamamagitan ng isang video statement.