(Update) Maagang nagkaroon ng problema ang biyahe ng Metro Rail Transit (MRT) at nagpatupad ng maiksing operasyon lamang simula nang magbukas ito Martes ng umaga.
Sa abiso ng Department of Transportation alas 5:01 ng umaga nang magpatupad sila ng provisional service sa MRT at ang biyahe ay mula lamang sa North Avenue station hanggang Shaw Boulevard station at pabalik.
Wala namang biyahe mula Shaw Boulevard station hanggang Taft Avenue station at pabalik.
Alas 5:22 ng umaga nang mag-abiso ang DOTr na balik na sa normal at full operations ang MRT pero alas 5:39 ng umaga ay muling ipinatupad ang shortened operations.
Ayon kay DOTr Undersecretary Noel Kintanar, may naganap na aksidente sa Taft Avenue station habang isinagasawa ang routine inspection bago ang pagsisimula ng biyahe kanina.
Ani Kintanar, isinasagawa ng isang maintenance crew ang araw-araw na inspeksyon bago ang pagsisimula nang biyahe nang ito ay maaksidente.
Hindi naman idinetalye ni Kintanar kung ano ang nangyaring aksidente, pero ginagamot na aniya sa ospital ang dalawang crew nila matapos masugatan. Hindi naman aniya malubha ang kondisyon ng nasugatang mga crew, pero isa sa kanila ay nagtamo ng 2nd degree burn.
Dahil sa nasabing aksidente, nagkaroon ng short circuit sa Taft Avenue station kaya hindi muna ito nagamit hangga’t hindi naiaayos ang problema.
Bunsod ng aberya sa MRT, marami sa mga pasahero ang bumaba na lamang sa EDSA at nag-abang ng masasakyang bus.
Alas 7:30 ng umaga ay balik na sa normal ang serbisyo ng MRT.
“Provisional Service operation from North – Shaw Blvd Stations lifted. Full operation from North to Taft Ave Stations & vice versa resumed 0730H,” ayon sa abiso ng DOTr.