Pinayuhan ni Chief Justice Maria Lourdes Sereno ang mga huwes na pinangalanan kamakailan ni Pangulong Rodrigo Duterte na huwag susuko sa mga pulis kung wala namang warrant of arrest laban sa kanila.
Ito ang mensahe ni Chief Justice Sereno sa mga huwes na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte dahil sa pagkakasangkot umano sa iligal na droga.
Sa kanyang liham kay Pangulong Duterte, kinwesyon ni Chief Justice Sereno ang basehan ng alegasyon laban sa pitong huwes.
‘Premature’ din aniya ang pagsisiwalat ni Pangulong Duterte sa mga pangalan ng nasasangkot sa illegal drugs nang walang pormal na imbestigasyon na posibleng makaapekto sa trabaho ng mga huwes at sa kredibilidad ng mga ito.
Hinimok din ni Sereno si Pangulong Duterte na payagan ang mga huwes na magbitbit ng baril dahil sa posibilidad na maging target ang mga ito ng mga crime lords at drug lords sa gitna ng nagpapatuloy na extrajudicial killings sa bansa.