Napili ng Mababang Kapulungan ng Kongreso ang Filipino finalist sa Asia’s Got Talent na si Gwyneth Durado para umawit ng Lupang Hinirang sa huling State of the Nation Address o SONA ni Pangulong Noynoy Aquino.
Ayon kay House of Representatives Deputy Secretary General for Legislative Operations Atty. Artemino Adasa Jr., ang “refreshing at angelic voice” ng sampung taong gulang na si Durado ang magbubukas ng ikatlo at huling regular session ng 16th Congress sa Batasan Plenary Hall, sa susunod na Lunes, July 27.
Sinabi ni Adasa, na siya ring chairman ng Committee on Programs, Scenario and Plenary Support para sa Task Force SONA, ang pagpili kay Durado ay pagbibigay pugay na rin sa naging “achievement” nito sa Asia’s Got Talent.
Hindi lamang aniya sa Asya napansin ang talento ni Durado, kundi ng buong mundo.
Ani Adasa, si House of Representative Deputy Secretary General for Internal Audit Cecillia David ang naging tulay para maimbitahan at maging mahalagang parte ang batang singing sensation sa SONA ni Pangulong Aquino.
Matatandang si Durado ay isa sa mga Filipino talents na matagumpay na nakalusot sa Asia’s Got Talent, kasama ni Filipino classicial singer Gerphil Flores at shadowa-play group at AGT champion El Gamma Penumbra.
Ang Task Force SONA ay pinamumunuan ni House Secretary General Atty. Marilyn Barua-Yap./ Isa Avendaño-Umali