Crime rate sa Metro Manila, bumaba – NCRPO

 

Inquirer file photo

Ipinagmalaki ng National Capital Region Police Office (NCRPO) ang pagbaba ng bilang ng kaso ng mga krimeng naitala ng pulisya sa nagdaang buwan.

Ayon kay NCRPO director Chief Supt. Oscar Albayalde, bumaba ang crime rate sa Metro Manila mula nang ipatupad nila ang mas pinaigting na laban kontra iligal na droga.

Mula July 3 hanggang August 3, 157 drug suspects ang napatay, 1,198 ang naaresto habang umabot naman sa 22,156 ang mga sumukong tulak ng droga.

Sa ngayon naman ayon kay Albayalde, iniimbestigahan na ng NCRPO ang kaso ng 76 drug suspects na nasawi o natagpuang patay sa loob ng nabanggit na panahon.

Aniya, mula sa dating siyam na sasakyang ninanakaw araw-araw sa Quezon City, apat lang ang naitalang kaso ng carnapping mula July 3 hanggang August 3.

Mula naman sa dating apat na kaso ng theft araw-araw, bumaba ito ng dalawa kada araw, habang ang dati namang tatlong kaso ng robbery na naitatala araw-araw ay bumaba na rin sa dalawang kaso na lang.

Gayunman, nilinaw ni Albayalde na hindi pa rin dapat maging kampante ang pulisya dahil unang buwan pa lang ito ng kanilang misyon.

Pero tiwala naman aniya siya na masusunod nila ang palugit ni Pangulong Rodrigo Duterte na pag-resolba sa krimen at iligal na droga sa loob ng anim na buwan.

Read more...