Mga opisyal na nasa narco-list: ‘Handa kaming magpa-imbestiga’

 

Mula sa inquirer.net

Ilang mga lokal na opisyal na ang lumutang at nagpahayag ng kahandaan na harapin ang imbestigasyon kaugnay sa pagkakadawit nila sa listahang inilabas ni Pangulong Rodrigo Duterte ng mga umano’y may kinalaman sa kalakalan ng iligal na droga.

Nauna sa pagsunod sa direktiba ng pangulo na sumuko sa loob ng 24-oras si San Rafael, Bulacan Mayor Cipriano Violago na tumungo agad sa Philippine National Police (PNP) headquarters sa Camp Crame, Quezon City, Linggo ng umaga para linisin ang kaniyang pangalan.

Sumunod naman si dating Judge Lorinda Toledo-Mupas ng Dasmariñas City Municipal Trial Court, ngunit hindi siya nagpaunlak ng panayam sa media.

Nagtungo rin sina dating Mayor Rasmiya Macabago ng Saguiran, Lanao del Sur, Linggo ng hapon kasama ang kaniyang abogado.

Tumungo naman sa San Fernando Police Station sa Cebu si Vice Mayor Fralz Sabalones na iginiit na posibleng kapatid niya ang tinutukoy ng pangulo na halos kapareho ng kaniyang pangalan at minsan nang nasangkot sa iligal na droga.

Nagpadala na rin ng abogado sina Mayor Hector Ong at Ex Mayor Madeline Ong ng Laoang, Northern Samar sa Crame upang linisin ang pangalan ng kaniyang kliyente, na sinundan naman ng pulis na si Police Chief Inspector Rio Maymay na hindi pa tiyak kung sumuko o dinipensahan ang sarili.

Halos lahat sa mga lumutang na lokal na opisyal ay pawang mga nagulat at nadismaya sa pagkakadawit nila sa listahan gayong iginigiit sila na wala silang kasalanan.

Read more...