AFP, PVAO pinaghahanda na sa paglilibing kay Ex-Pres. Marcos

 

Pinaghahanda na ng Department of National Defense ang Armed Forces of the Philippines (AFP) at mga kaukulang ahensya ng gobyerno sa nakaambang paglilibing sa Libingan ng mga Bayani ng labi ni dating Pangulong Ferdinand Marcos.

Ito ang kinumpirma ng DND sa pamamagitan ng memorandum na inilabas ng Kagawaran Linggo ng gabi na pirmado ni DND Secretary Delfin Lorenzana.

Sa naturang memorandum, inaabisuhan ni Lorenzana si AFP Chief-of-Staff, General Ricardo Visaya, na gawin ang lahat ng mga kinakaukulang preparasyon at pagpaplano upang paghandaan ang paglilibing sa dating Pangulo.

Ito aniya ay bilang pagtalima sa ‘verbal order’ ni Pangulong Rodrigo Duterte noong July 11, 2016.

Mahalaga aniyang mapaghandaan ang okasyon upang mailatag ang security preparations at pormal na seremonya sa paghahatid sa huling hantungan ni Marcos.

Inaatasan din si Gen. Visaya na makipag-ugnayan sa mga miyembro ng pamilya Marcos upang matukoy ang nais nilang petsa ng pagbibiyahe ng mga labi ng dating Pangulo mula sa Ilocos Norte at pormal na paghahatid nito sa kanyang huling hantungan.

Umaasa ang DND na maisusumite ni Gen. Visaya at Philippine Veterans Affairs Office (PVAO) na siyang nangangasiwa sa LNMB ang implementing plan ng libing ni Marcos sa lalong madaling panahon.

Matatandaang dekada na ang binilang at ilang administrasyon na ang nakalilipas ay balot pa rin ng kontrobersya ang isyu ng pagliibing sa Libingan ng mga Bayani sa labi ng dating diktador.

Read more...