Duterte sa CPP-NPA: Land mines o peace talks?

 

Binantaan ni Pangulong Rodrigo Duterte ang mga komunistang rebelde na hindi na itutuloy ang peace talks sa pagitan nila at ng pamahalaan kung hindi nila titigilan ang paggamit ng land mines.

Sa kaniyang pahayag sa Camp Panacan, pinapili niya ang mga rebelde at sinabing kung igigiit ng mga ito ang paggamit ng land mines, mas gusto niya pang mag-laban na lang ulit sa susunod pang 45 taon.

Ginawa ng pangulo ang hamon na ito matapos masawi ang apat na mga sundalo nang magpasabog ng land mine ang New People’s Army (NPA) ng Communist Party of the Philippines (CPP) sa Compostela Valley.

Paliwanag ni Pangulong Duterte, nakakdismaya ang paggamit nito dahil hindi lang mga sundalo ang natatamaan nito kundi pati mga inosenteng sibilyan.

Giit pa ni Duterte, kung hindi ito ititigil ng NPA, uutusan niya rin ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na gumamit ng land mines para patas ang maging laban.

Wala aniya siyang pakialam kung tumagal ng 45 taon ang hidwaan ng mga komunista at ng pamahalaan, at aniya, magpatayan na lang kung wala rin lang silang balak itigil ang karahasan dahil madali naman siyang kausap.

Samantala, nilinaw naman ng NPA na ang ginagamit lang nilang land mines ay iyong mga pinapayagan ng Geneva Convention, tulad ng command-detonated explosives at hindi mga victim-detonated.

Ngunit banat ng pangulo, bakit sa tuwing pabor sa NPA, napakadali para sa kanila na banggitin ang Geneva Convention, habang sila rin ang madaling magreklamo kaugnay sa pakikitungo sa kanilang mga political prisoners.

Sa huli ay tinanong ng pangulo kung ano ba talaga ang gusto ng NPA, dahil kung hindi sila makikisama, pauuwiin na lamang niya ang peace panel ng gobyerno at ititigil na ang peace talks.

Read more...