Pinawalang sala ng korte ang tatlong akusado kabilang ang dating NGO leader na si Temogen “Cocoy” Tulawie sa mga kasong may kaugnayan sa Sulu bombing na naganap noong 2009.
Si Tulawie ay pinawalang-sala ni Judge Marlo Magdoza Maglagar ng Manila Regional Trial Court (RTC) Branch 19.
Maliban kay Tulawie pinawalang-sala din ang kapwa niya akusado na sina Abner Tahil at Juhan Alihuddin. Ang tatlo ay nahaharap sa mga kasong illegal possession of explosives, multiple frustrated murder, multiple attempted murder at physical injury dahil sa Sulu bombing noong May 2009 na ikinasugat ng labingdalawa katao kabilang si dating Gov. Abdusakur Tan ng Sulu. Sugatan din ang limang security personnel ni Tan.
Sa Change.Org, isang apela ang isinulat ni Tulawie nito lamang ika-11 ng Hulyo taong kasalukuyan.
Sinabi ni Tulawie na 1,270 araw na siyang nasa kulungan sa walang basehang kasong isinampa laban sa kanya ng aniya na pawang gawa-gawa lamang ng tinukoy niyang kalaban na si Tan na ngayon ay bise-gobernador ng lalawigan ng Sulu. Lahat aniya ay ginawa ni Tan para siguruhing nakakulong siya kahit ang lahat ng testigo laban sa kanya ay inutusan at bayaran lamang.
Sa naturang site, ito ang bahagi ng pahayag ni Tulawie, “Sakur Tan is so desperate he even had to compromise and destroy democratic institutions like the Witness Protection Program, National Commission on Muslim Filipinos, Criminal Investigation and Detection Group, City Fiscal’s office of Zamboanga, the local courts and prosecution office in Sulu and BJMP in Camp Bagong Diwa just to build a case against me”.
Si Tulawie ay dating Provincial Chairperson ng Bangsamoro Civil Society sa Mindanao at Sulu at isa sa mga kritiko ni Tan at ng kanyang pamilya. /Ruel Perez, Gina Salcedo