Bumaba pa ang bilang ng mga nagugutom sa bansa ayon sa pinakahuling survey ng Social Weather Stations (SWS).
Sa isinagawang survey noong June 5 hanggang 8, nasa 12.7% ng mga respondents o katumbas ng tinatayang 2.8 milyong pamilyang Pilipino ang nagsabing sila ay nakaranas ng “involuntary hunger” ng isang beses o higit pa sa nakalipas na tatlong buwan.
Bagaman ito na ang pinakamababang hunger rating na naitala ng SWS mula noong May 2005, kaunti lamang ang naging pagbaba kumpara sa 13.5 percent o tinatayang nasa 3 milyon na pamilya na nagugutom na naitala noong March survey.
Sa latest survey, 10.8 percent p 2.4 milyon na pamilya ang nagsabing nakararanas sila ng “moderate hunger” at 1.9 percent naman o 431,000 na pamilya ang nakararanas ng “severe hunger”. Pinakamaraming nakapagtala ng bilang ng mga nagsabing sila ay nakararanas ng gutom ay mula sa Metro Manila.
Ayon sa Palasyo ng Malakanyang, ang Conditional Cash Transfer Program o CCTP ng pamahalaan ang nakatulong ng malaki sa pagbaba ng bilang ng mga nagugutom sa bansa./ Dona Dominguez-Cargullo