RCBC pinagmulta ng P1B ng Bangko Sentral dahil sa $81M money laundering scam

RCBCPinatawan ng isang bilyon pisong multa ng Bangko Sentral ng Pilipinas ang Rizal Commercial Banking Corp. (RCBC) kaugnay sa Bangladesh Bank cyberheist na naganap noong Pebrero 2015,

Sa pahayag ng BSP, ang nasabing multa na ipinataw sa Yuchengco family-controlled na RCBC, ang maituturing na pinakamalaking monetary penalty na ipinataw sa isang financial institution.

“The Monetary Board approved the imposition of supervisory enforcement action on RCBC to pay the amount of P1 billion in connection with the special examination conducted by the BSP,” ayon sa BSP.

Magugunitang nadawit ang RCBC sa money laundering controversy nang pumasok sa nasabing bangko ang perang ninakaw mula sa Bangladeshi central bank.

Aabot sa $1 bilyon ang tinangkang nakawin ng mga hindi pa natukoy na hackers, pero napigilan ang pag-transfer sa $870 million habang matagumpay namang nai-transfer sa RCBC ang $81 million.

Ayon naman sa RCBC, tutugon sila sa ipinataw na multa ng BSP sa ilalim ng Monetary Board resolution No. 1392.

Kinakailangang mabayaran ang nasabing multa ng dalawang tranches sa loob ng isang taon.

Nauna nang nagsagawa ng administrative proceedings ang BSP sa RCBC dahil sa hindi nito pagsunod sa New Central Bank Act kaugnay ng Bangladesh Bank cyberheist incident.

 

 

 

 

Read more...