Ito ang naging resulta ng imbestigasyon ng New People’s Army sa ambush na naganap sa Kapalong, Davao del Norte noong July 27 na ikinasawi ng isang CAFGU at ikinasugat ng apat na iba pa.
Ayon kay National Democratic Front of the Philippines peace panel chairman Luis Jalandoni, sa isinagawang imbestigasyon lumitaw na ang insidenteng naganap dalawang araw matapos ang deklarasyon ng unilateral ceasefire Duterte ay resulta ng offensive operation ng militar.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Jalandoni na katunayan noon pa lamang July 5, nagkaroon na ng operasyon na bahagi ng opensiba ng militar sa kabila ng deklarasyon ng active defense mode ni NPA National Operation Command Spokesperson Jorge Madlos o Ka Oris.
Sa report naman ni Ka Aris Francisco, tagapagsalita ng NPA ComVal-North Davao South Agusan Subregional Command, pawang armadong Alamara paramilitary troop ang nakasagupa noon ng NPA sa Kapalong.
Dagdag pa ni Jalandoni, maraming lugar sa Mindanao na ang mga tauhan ng Armed Forces of the Philippines ay hindi sumunod sa deklarasyong ceasefire ng Pangulong Duterte,
“Si Rigoberto Sanchez, spokesperson ng NPA Southern Mindanao, sabi niya maraming lugar na di tinutupad ng AFP ang ceasefire declaration, hindi nila iniwan ang Lumad areas, schools, communities at barangay halls. Sabi ni Sanchez wala daw talagang ginawang ceasefire sa buong region nila,” dagdag pa ni Jalandoni.
Sa kabila nito, sinabi ni Jalandoni na determinado ang magkabilang panig na ituloy ang pagsisimula ng peace talks sa Oslo Norway sa August 20.
Posible rin ayon kay Jalandoni na maging bahagi ng usapan sa pagsisimula ng peace talks ang deklarasyon ng ceasefire.