Nasungkit ng Mandaluyong City ang record sa Guinness World Record para sa pinakamaraming bilang ng lumahok sa Zumba.
Umabot sa 12,975 ang lumahok sa Zumba sa Mandaluyong City kahapon, Linggo, dahilan para talunin nito ang record ng Cebu na naitala noong nakaraang taon na mayroong 8,232 na participants.
Dahil dito, hawak na ngayon ng Mandaluyong ang titulo sa Guinness World Record para sa “largest Zumba class in a single location”.
Alas 3:00 pa lamang ng madaling araw kahapon nang magsimulang magtipon-tipon sa lugar ang mga sumali sa Zumba.Ginanap ang Zumba sa mga lansangan ng Martinez at Nueve de Pebrero Streets kanto ng Fabella Road. Lahat ng sumali ay nakasuot ng kulay dilaw na damit.
Sa kaniyang post sa Instagram Account, nagpasalamat si Mandaluyong City Councilor Charisse Abalos sa mga residente na sumali sa Zumba.
“Mandalenyos we made history! Maraming salamat sa inyong pakikilahok at buong suporta sa ating ginawang world breaking record para sa Guinness World Records,” ayon kay Abalos.
Ang nasabing proyekto na may temang “Kayang-kayang Magsayaw,” at bahagi ng aktibidad ng lokal na pamahalaan ng Mandaluyong bilang pagdiriwang sa kaarawan ni Mayor Benhur Abalos Jr./Philippine Daily Inquirer, Dona Dominguez-Cargullo