Pumasok na rin ang Department of Education (DepEd) sa imbestigasyon sa kung ano talaga ang puno’t dulo ng naganap na food poisoning sa Juan Sumulong High School sa Cubao, Quezon City.
Sampung mag-aaral ang nakaranas ng pananakit ng tiyan at pagsusukan dahil sa pagkain ng “macapuno candy”. Apat sa mga ito ay naipasok pa nga sa Intensive Care Unit ng Quirino Memorial Medical Center dahil sa pagbagsak ng kanilang heart rate.
Ang sampung estudyante ay nasa mabuti ng kalagayan at nakauwi na lahat sa kani-kanilang mga tahanan, kahapon, araw ng Linggo.
Isang lalake na nasa idad dalawampu ang itinurong nagbenta ng macapuno candy sa mga estudyante ng Juan Sumulong.
“Breach of security” ang unang nakikitang dapat na siyasatin sa insidenteng ito ayon kay Fredie, DepEd assistant division superintendent ng Quezon City. Nilinaw ni Avendaño na hindi niya ibinubunton ang sisi sa security guard ng paaralan ngunit aniya, malinaw na nagsimula ito nang makalusot at mapasok ang isang hindi naman estudyante ng paaralan.
Dahil sa insidente, ang seguridad sa may 142 paaralan sa Quezon City ay dapat na paigtingin ayon kay Avendaño. Inaasahang maisasakatuparan kapag naikabit na ang mga closed-circuit television camera program sa lungsod na nagkakahalaga ng 89-milyung piso.
Ang naturang proyekto ay nilagdaan ni Mayor Herbert Bautista nitong buwan ng Marso./Philippine Daily Inquirer, Gina Salcedo