Magpapabaril ako sa harap ng publiko.
Ito ang sinabi ni retired general at ngayon ay Daanbantayan, Cebu Mayor Vicente Loot kung mayroon aniyang makapagpapatunay na noong 2015 ay binisita niya sa kulungan si Kerwin Espinosa.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, iginiit ni Loot na hindi niya kilala ang mag-amang Espinosa at naging pamilyar lamang sa kaniya si Kerwin noong nagsagawa ng operasyon ang pulisya kay Kerwin taong 2011 dahil sa pagkakasangkot niya sa droga.
Ayon kay Loot, sinomang makapagbibigay ng ebidensya at makapagpapatunay sa nakasaad sa isang intelligence report na binisita niya si Kerwin sa kulungan noong March 2015, ay handa siyang magpabaril sa sarili.
Imposible ayon kay Loot na hindi siya makikilala kung talagang ginawa niya ang pagbisita kay Kerwin noong 2015 dahil mataas na opisyal na siya noon ng PNP
“Kung mapapatunayan na talagang binisita ko si Kerwin nung maaresto siya nung March 2015, magandang sitwasyon iyan na ma-prove talaga nila, kasi high profile iyan (si Kerwin), naka-log, nakarecord, may CCTV dapat iyan. Kilalang-kilala naman ako noon high ranking official ako, hindi pwedeng mawala sa consciousness ng mga tao iyan, kung totoo iyan meron man lang ebidensya, meron mang makapagsabi, makapagpatunay na nandodoon ako, I will have myself shot publicly,” sinabi ni Loot sa Radyo Inquirer.
Ani Loot, pawang imbento o gawa-gawa ang nasabing intelligence report ng isang taong gustong magpasikat.
Hindi rin aniya totoo ang nakasaad sa intelligence report na ni-recruit niya si Kerwin Espinosa noon bilang asset.
Ani Loot, pawang deep penetrating agents ang kinukuha nila noon para sa mga anti-illegal drugs operations.
Kasabay nito, sinabi ni Loot na handa siyang humarap kay PNP Chief Ronald Dela Rosa ngayong direktang nadawit ang kaniyang pangalan sa nasabing intel report.
Si Loot ay isa sa limang retirado at aktibong heneral na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot sa ilegal drugs.
Ani Loot, hindi niya kukuwestiyunin ang mga naging pahayag sa kanya ng pangulo ngunit handa siyang humarap sa pangulo anumang oras.