Dalawang heneral, protektor umano ng drug lord na si Kerwin Espinosa

 

Isang dati lamang umanong police asset na naging drug lord na may koneksyon sa dalawang heneral ang anak ni Mayor Rolando Espinosa Sr na si Kerwin.

Ito ang lumilitaw sa police intelligence report na hawak ngayon ni Pangulong Rodrigo Duterte.

Ayon sa report, umaabot sa P300 milyong piso bawat buwan ang kinikita ni Rolando ‘Kerwin’ Espinosa Jr., sa illegal drugs trade sa Eastern Visayas kung saan ang malaking bulto ng kanyang supply ay nagmumula sa China.

Una umanong kinuha bilang asset ni dating Chief Supt. Vicente Loot si Kerwin upang maging bahagi ng kampanya kontra droga noong hepe pa ito ng regional Anti-Narcotics Unit.

Gayunman, itinatanggi ni Loot na kilala niya ng personal ang anak ng alkalde bagamat sinabi nitong batid niya na dati ang illegal drugs operations ni Kerwin simula pa noong nagtrabaho siya sa PNP Region 8.

Matatandaang si Loot ay isa sa limang police generals na pinangalanan ni Pangulong Rodrigo Duterte na sangkot umano sa pagbibigay proteksyon sa mga drug lords sa bansa.

Sa kasagsagan ng kanyang operasyon, nakilala ni Kerwin ang top drug lord na si Jeffrey ‘Jaguar’ Diaz hanggang sa mapatay ito sa operasyon noong June 17 sa Las Piñas City.

Nang mapatay si Jaguar, si Kerwin na ang nagsilbing pinakamalaking drug supplier sa Eastern Visayas Region.

Nang ito na ang humawak ng operasyon, umaabot sa 200 kilo ng shabu ang dumadaan umano sa Camotes Island buwan-buwan mula sa China mula sa mga kontak ng nakakulong na Chinese durg lord na si Peter Co.

Marami umano sa mga protector ng illegal drugs operation ni Kerwin Espinosa ay mula sa matataas na hanay ng PNP.

 

 

 

Read more...