Bagaman gumanda na ang panahon ngayong araw, 10 bayan pa rin sa lalawigan ng Pangasinan ang nakararanas ng pagbaha.
Sa panayam ng Radyo Inquirer, sinabi ni Avenix Arenas, tagapagsalita ng Provincial Disaster Risk Reduction and Management Council (PDRRMC) na umabot ng dalawang linggo ang naranasang pag-ulan sa Pangasinan.
Ito aniya ang dahilan kaya tumaas ang tubig sa mga ilog sa lalawigan.
“Mayroon tayong sampung bayan sa Pangasinan na mayroong mga barangay na lubog sa baha, catch basin po kasi ang Pangasinan ng tubig ulan mula sa bundok,” ayon kay Arenas.
Sinabi ni Arenas na kabilang sa mga bayan sa Pangasinan ang mayroon pa ring mga barangay na lubog sa tubig baha ang mga sumusunod: Calasiao – 17 Barangay, Sta. Barbara – 10 Barangay, Alaminos – 3 Barangay, Agno – 4 na Barangay, San Fabian – 3 Barangay, Bolinao – 7 Barangay, Asingan – 6 na Barangay, Aguilar – 3 Barangay, Bayambang – 2 Barangay at sa Mabini – 5 Barangay.
Sa kabuuan, umaabot sa 60 pa ang bilang ng mga barangay na lubog sa tubig baha sa lalawigan.
Apat na ang unang napaulat na nasawi sa Pangasinan dahil sa nasabing pagbaha.
Pero ayon kay Arenas kahapon ay may naireport sa kanilang tanggapan na isang nasawi dahil sa pagkalunod sa Urdaneta City.
Pinaghahanap pa rin ang 11 mangingisda mula sa Infanta, Pangasinan na inulat na nawawala sa kasagsagan ng pagbuhos ng ulan. /Dona Dominguez -Cargulo, Stanley Gajete