Isa pang panukala para maisulong ang Cha-Cha, inihain sa Kamara

congress1Isinusulong ni Davao Oriental Rep. Joel Mayo sa Kamara na magkaroon ng ikaapat na paraan para sa Charter Change o Cha-Cha.

Sa ilalim ng House Concurrent Resolution #5 ni Mayo, isisingit ang Cha-Cha sa pamamagitan ng Constitutional Commission o Con-Comm sa mga paraan upang maamyendahan ang Saligang Batas.

Nasasaad pa sa panukala na isang buwan na magko-convene ang kongreso bilang Constituent Assembly o Con-Ass, upang amyendahan ang Article 17 ng Konstitusyon, para bigyang-daan ang apat na paraan ng Cha-Cha kabilang na ang Con-Comm mode.

Anuman ang resulta ng trabaho ng Con-Ass ay isusumite sa plebesito na isasabay naman sa Barangay Elections sa Oktubre, upang mapagtibay ang interim 2016 Constitution.

Pagkatapos nito, magtatalaga ang presidente ng isangdaang miyembro ng Con-Comm kung saan tig-dalawa rito ay mula sa bawat rehiyon habang ang animnapu’t apat ay mga kilalang eksperto.

Ang Con-Comm ang gagawa ng mga amyenda sa Saligang Batas upang palitan na ang porma ng gobyerno tungo sa pederalismo.

Sa oras naman na maaprubahan sa plebesito ang resulta ng trabaho ng Con-Comm, tatawagin na itong 2017 Constitution ng Pilipinas.

 

Read more...